Bago magtungo sa Indonesia ang pamilya Veloso kahapon, ipinakita muna nila sa media ang mga regalo na kanilang ibibigay sa nakakulong na si Mary Jane Veloso.
Nagdiwang kasi ng ika-31 kaarawan si Mary Jane noong Linggo.
Una sa listahan ng regalo sa OFW ang isang pares ng pantalon mula sa kapatid ni Mary Jane na si Lea.
Isang pares ng tsinelas naman ang regalo ng kapatid din ng OFW na si Darling.
Habang personalized shirt naman ang regalo ng magulang ni Mary Jane na sina Aling Celia at Mang Cesar.
Puting t-shirt ito kung saan nakalagay sa harapan ang buong pangalan ni Mary Jane Veloso, habang sa likurang bahagi naman ng shirt ay Happy Birthday ang nakasulat.
Nagpadala rin ng nakatutuwang aklat ang kapatid ng OFW sa kaniya na si Marites.
Higit sa lahat, kasama rin sa mga regalo ang mga sulat mula sa mga taga-suporta ng OFW.
Ang mga sulat na ito ay puno ng panalangin at mensahe ng pag-asa para sa ating kababayan.
Ngayong araw o sa Huwebes inaasahang magtutungo sa Yogyakarta ang pamilya Veloso para dalawin ang nakapiit na si Mary Jane.
By Allan Francisco