Pinasasampahan ng Ombudsman ng kasong graft at malversation si dating Eastern Samar Representative Teodulo “Doloy” Coquilla at 6 na iba pang indibidwal dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pork barrel scam.
Sa isang joint resolution na nilagdaan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, napatunayan nito na noong 2007 ay idinaan umano ni Coquilla ang P5 milyong pisong bahagi ng kanyang pork barrel sa National Agri-Business Corporation o NABCOR.
Ang pondo ay sinasabing pambili ng mga seedlings at instructional materials para sa proyekto ng mga magsasaka sa kanyang nasasakupan.
Bukod kay Coquilla, kabilang sa mga kinasuhan ang mga opisyal ng NABCOR na sina Alan Javellana, Encarnita-Cristina Munsod, Ma. Julie Villaralvo-Johnson, at Romulo Relevo.
Giit ng Ombudsman, nilabag ng mga respondent ang procurement rules nang ipagkatiwala ang pondo sa isang hindi lehitimong supplier at wala pang business address.
Pinakakasuhan din ng anti-graft body ang mga opisyal ng non-government organization na gabay masa na sina Margie Luz at Ma. Cristina Vizcarra.
By Jelbert Perdez | Jill Resontoc (Patrol 7)