I-vineto ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang batas na nagtatakda sana ng P2,000 across the board pension increase para sa mga retiradong kasapi ng social security system o SSS.
Ibig sabihin, hindi ito nilagdaan ng Pangulong Aquino at sa halip, ibinalik ito sa Kamara dahil sa mauubos umano ang pondo ng SSS kapag tuluyang pinirmahan ito.
Ayon sa Pangulo, makokompromiso ang katatagan ng benefits system kung ibibigay ang dagdag na P2,000 sa mga SSS pensioners.
Tinatayang nasa 1.9-million ang mga pensioners ng SSS.
***
Handa namang salagin ng Malacañang ang inaasahang pagbatikos ng mga kritiko matapos ang ginawang pag-veto ni Pangulong Noynoy Aquino sa enrolled bill na nagtatakda ng dagdag na P2,000 piso sa pension ng mga retiradong miyembro ng SSS.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na dalawang dahilan ang ikinunsidera ng pangulo bago pinagpasyahan ang pag-veto sa SSS pension hike.
Una ay kailangang maging makatwiran ang anumang pagdaragdag sa benepisyo at ikalawa, dapat isaalang-alang ang katatagan ng pondo upang makamit ng lahat ng miyembro ang kanilang inaasahang pensyon kapag sila’y nagretiro.
Ayon kay Coloma, hindi magiging responsable ang pamahalaan kung hahayaang mapariwara o masira ang katatagan ng pondo ng SSS.
Idinagdag pa ng palace official na ito ang magiging sukdulan ng kawalan ng malasakit sa mga boss kung hahayaang mangyari ito.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)