Binatikos ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang pamunuan ng Social Security System o SSS.
Kasunod na rin ito ng ginawang pag-veto ng Pangulong Noynoy Aquino sa P2,000 pisong dagdag na pensyon sa mga retiradong miyembro ng SSS.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Recto na malinaw na may pagkakamali sa panig ng SSS board dahil makailang beses na itong pinagdebatehan sa mataas at mababang kapulungan ng Kongreso at wala namang binanggit na hindi nila kakayaning tustusan ang pagtaas ng pensyon.
Aniya, maging ang Presidential and Legislative Liason Office ay mayroon ding pagkukulang dito.
“Di nagtrabaho din ng mabuti yung SSS board, lahat ito dinebate sa House, lahat ito dinebate sa Senado, yung management ng SSS dapat they took it up with Office of the President, and PLLO naman, yung Presidential and Legislative Liason Office, hindi rin nagtrabaho, alam naman nila na ipapasa nga, ipinasa na nga, itinapon na sa senado, pinag-uusapan na din sa senado, they should have informed the President para habang dinidinig yan, meron na sanang sinabing executive na uy, let’s compromise here, hindi tatanggapin ng Pangulo ito, ive-veto ito.” Ani Recto.
Dahil dito, nanawagan si Recto kay Pangulong Noynoy aquino na kung natataasan ito sa panukalang P2,000 pisong dagdag sa buwanang pensyon, dapat ay ikasa ang P1,000 pagtaas sa SSS pension.
“Ang panawagan ko din naman na kung sa tingin ng Pangulo masyadong mahal yung cost halimbawa nung ipinasa namin sa Kongreso, eh pupuwede naman siyang to take executive action, the law allows him to do so, puwede niyang sabihin sa Board, pag-aralan nga ninyong mabuti ito at pag-aralan kung magkano ba ang kaya natin talagang ibigay?, so maaari naman mag-compromise tayo dito kung saka-sakali.” Pahayag ni Recto.
By Meann Tanbio | Karambola