Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang school administrators at canteen operators na tiyaking malinis ang mga cafeteria.
Kasunod na rin ito nang pagkalason sa kinaing biskwit ng mahigit 100 estudyante sa Makati City.
Ayon kay Health Secretary Janette Garin, dapat siguruhin ng school administrators na malinis ang mga kusina ng kanilang canteen at hindi nadadapuan ng mga peste o nakakalasong kemikal.
Dapat din aniyang malinis ng mabuti ang mga gamit sa kusina at maging ang lulutuing pagkain at magamit din ang mga processed foods bago ang expiry date ng mga ito.
Nagpaalala rin si Garin sa mga humahawak ng pagkain na maghugas mabuti ng kamay, magsuot ng hair net at masks para maiwasan ang contamination habang inihahanda ang pagkain.
Sinabi pa ni Garin na kailangang makakuha rin ng health certificate mula sa city at municipal health officers para sa food handlers na nagsisilbi sa mga cafeteria.
By Judith Larino