Sisingilin ng MILF o Moro Islamic Liberation Front ang pamahalaan sakaling hindi maisabatas ang BBL o Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Mohaguer Iqbal, Chief Negotiator ng MILF, maituturing na utang ng gobyerno sa kanilang grupo ang mga nilagdaan nilang dokumento patungkol sa kasunduang pangkapayapaan.
Muling nagbabala si Iqbal na magpapatuloy ang problema sa Mindanao kung hindi maipapasa ang BBL na bahagi ng isang kasunduang pinasok ng gobyerno.
“Hindi kami pumapatol sa gobyerno, kailangan mag-deliver muna ang gobyerno so kapag ang BBL ay hindi maipasa sa Kongreso sa Pilipinas, magpapatuloy ang problema natin sa Mindanao, sabi namin sa gobyerno ng Pilipinas eh yung utang niyo sa amin ay hindi pa kayo nakabayad so sisingilin namin ang gobyerno ng Pilipinas, although nakikita namin na ang Presidente ay talagang committed na maipasa ang BBL sa Kongreso ng Pilipinas, but ultimately ang gobyerno ng Pilipinas pag di tumupad ay sisingilin namin.” Ani Iqbal.
Kasabay nito, sinabi ni Iqbal na hindi katanggap-tanggap sa kanila ang plano ng Kongreso na alisin ang may 20 probisyon sa BBL.
Isang katunayan ito aniya na maliit ang tingin ng mga mambabatas sa kapangyarihan ng gobyerno na makipag-negosasyon.
Binigyang diin ni Iqbal na walang kahihinatnan ang 17 taong pakikipag-usap nila sa gobyerno kung hanggang ngayon ay walang tiwala ang mga mambabatas sa MILF.
Una rito, sinabi ni Congressman Rufus Rodriguez na posibleng tanggalin nila ang may 20 probisyon sa BBL upang payapain ang mga nangangamba na magkaroon ng sariling republika sa Mindanao ang MILF sa pamamagitan ng BBL.
“Kung talagang ibibigay sa amin na batas ay maganda kasi aanhin namin yung batas na wala namang kuwenta eh mas maganda pa nga po kung tinanggap na namin ang ARMM, dahil nandiyan na yan eh pero hindi namin tinanggap tatlong beses, kung ang ibibigay sa amin ay mas mababa sa ARMM eh mas maganda na lang na hindi na lang nag-negotiate.” Pahayag ni Iqbal.
By Len Aguirre | Balitang Todo Lakas