Kabilang pa rin ang pangalan ni Senadora Grace Poe sa listahan ng mga kandidato sa pagkapangulo sa ililimbag na mga balota.
Ito ang ginawang pagtitiyak ni Commission on Elections o COMELEC Chairman Andy Bautista matapos niyang makausap ang kinatawan ng mga presidentiables.
Sinabi ni Bautista, hindi na nila mahihintay pa ang Korte Suprema na magdesisyon sa mga nakabinbing petisyon ng ilang presidentiables tulad ni Poe kaugnay sa mga nakabinbing petisyon dito.
Dahil dito, sinabi ni Bautista na kakapusin na sila ng panahon kaya’t wala na silang magagawa kundi iimprenta ang mga balota kahit nakasulat dito ang pangalan ni Poe.
Ipagpaliban muna
Hiniling ni Senate President Franklin Drilon sa Commission on Elections o COMELEC na ipagpaliban muna ang nakatakda sanang pag-iimprenta sa mga balota sa Pebrero 1.
Ito’y hangga’t wala pang pinal na desisyon ang Korte Suprema hinggil sa disqualification case na kinahaharap ng presidential candidate na si Senadora Grace Poe.
Hindi napigilang banatan ni Drilon si COMELEC Chairman Andres Bautista dahil sa aniya’y pagmamadali nitong ma-imprenta ang mga balota kasunod ng kanilang deadline para sa darating na halalan.
Maituturing aniyang hindi paggalang sa High Tribunal ang paggigiit ni Bautista na iimprenta agad ang mga balota kahit wala pang pinal na desisyon sa mga nakabinbing petisyon kaugnay sa mga kandidato sa pagkapangulo.
By Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)