Kasado na ang mga aktibidad ng pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao para sa unang anibersaryo ng madugong engkuwentro sa Mamasapano noong isang taon.
Ayon kay Maguindanao Governor Ismael Toto Mangudadatu, isang ecumenical prayer ang kanilang gagawin na sasabayan ng iba’t ibang programa para sa mga residente ng naturang bayan.
Tutol naman si Mangudadatu sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano incident kung saan 44 na miyembro ng PNP Special Action Force ang nasawi.
Ayon kay kay Mangudadatu, para sa kanya ay kumpleto naman ang resulta ng naunang imbestigasyon at kuntento naman sila sa inilabas na committee report ng senado.
Duda si Mangudadatu sa tunay na motibo ng pagbubukas ng imbestigasyon dahil panahon aniya ngayon ng eleksyon.
“Tapos naman ito eh, at nakikita po namin na huwag naman pong itaon sa panahon ng pulitika, I mean malapit na ang election at nakita naman natin na karamihan po ay satisfied naman doon sa imbestigasyon na isinagawa noong nakaraan.” Pahayag ni Mangudadatu.
Huwag haluan ng pulitika
Samantala, nanawagan ang pamilya ng isa sa mga nasawing SAF 44 na huwag haluan ng pulitika ang unang anibersaryo ng Mamasapano massacre sa Lunes, Enero 25.
Ayon kay S/Insp. Richard Pabalinas, nakababatang kapatid ng napaslang na si S/Insp. Ryan Pabalinas, plano nilang magtipon sa nasabing petsa sa bahay ng kanilang mga magulang sa PC Barracks Compound sa Barangay West sa General Santos City.
Dito, mag-aalay ng panalangin ang pamilya para sa mga nasawi at ipanawagan ang pagpapanagot sa mga sinumang nasa likod ng malagim na sinapit ng tinaguriang Gallant 44.
Nagpahayag din ng pagsuporta si Pabalinas sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng senado kaugnay dito at umaasa silang mailalantad na ang buong katotohanan.
By Jaymark Dagala | Ratsada Balita