Naglunsad ng giyera ang pamahalaang panlunsod ng Kabacan, North Cotabato laban sa mga daga na namiminsala ng mga pananim sa naturang bayan.
Ayon kay Kabacan Mayor Herlo Guzman, mag-aalok siya ng reward na isang sakong bigas sa kada 500 buntot ng dagang maipiprisinta sa kanyang tanggapan.
Sakali namang maging mahirap para sa mga residente ang makapanghuli at makapatay ng 500 daga, maaari naman nang mabigyan ng isang kilong bigas ang makakahuli ng 10 daga.
Maliban dito, handa ring magbigay ng mga punla ang pamahalaang lungsod ng Kabacan kapalit ng pakikipagtulungan ng kanilang mga mamamayan laban sa pamemeste ng mga daga sa pananim.
Matatandaang isinailalim na state of calamity ang Kabacan matapos pinsalain ng mga daga doon ang may 1,000 ektarya ng palayan at maisan.
By Ralph Obina