Balik-bansa na si Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach.
Si Pia ay dumating sa bansa sakay ng PAL flight PR 538 mula sa Jakarta, Indonesia kaninang alas-6:00 ng umaga.
Ang beauty queen ay sinalubong ni Binibining Pilipinas Charities President Stella Marquez-Araneta.
Ayon kay Pia, excited siyang bumalik ng bansa at i-share ang kaniyang Miss Universe crown sa mga kapwa Pilipino.
Halos hindi aniya siya makatulog kagabi bago bumalik ng bansa dahil gusto na niyang makita ang lahat na nagbigay ng karangalan sa kaniya.
LISTEN: Bahagi ng mensahe ni Pia Wurtzbach sa pagdating nito sa bansa.
Tax-free
Haharangin ng mababang kapulungan ng Kongreso na makakolekta ng buwis si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares kay Ms. Universe Pia Alonzo Wurtzbach.
Ito ay matapos ihain sa Kamara ang House Bill 6367 para malibre na sa buwis si Wurtzbach sa mga kinita nito bilang Ms. Universe.
Binasa na sa plenaryo ng Kamara ang nasabing panukala at agad na ipinasa sa House Ways and Means Committee para agad na pagtibayin.
Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, may-akda sa nasabing panukala, nararapat lamang na itodo na ang pagpaparangal kay Wurtzbach dahil sa karangalang ibinigay nito sa bansa.
Unang pinagtibay sa plenaryo ng Kamara ang resolusyon para para-ngalan si Wurtzbach na personal na tatanggapin nito sa Enero 28.
Ang resolusyon ni Rodriguez ay lumutang matapos mapaulat na hahabulin ni Henares si Wurtzbach para magbayad ng buwis mula sa kanyang kinita sa nasabing patimpalak.
Sa panig naman ni Marikina Rep. Miro Quimbo, Chairman ng nasabing komite, wala itong nakikitang balakid sa pagpapatibay sa nasabing panukala kaya inaasahan na maipasa ito sa lalong madaling panahon.
By Judith Larino | Photo from: Raoul Esperas (Patrol 45) | Mariboy Ysibido