Nagtaas na ng alerto ang Department of Health (DOH) bunsod ng mabilis na pagkalat ng zika virus sa bahagi ng Amerika, Africa maging sa ilang bahagi ng Asya.
Ayon kay Dr. Dessi Roman, Infectious Disease Speacialist ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM, bantad ang Pilipinas sa nasabing virus dahil ang lamok na nagdadala nito ay siyang nasa likod din ng pagkalat ng sakit na dengue.
Ngunit, pagtitiyak ni Health Secretary Janette Garin, mababa ang peligrong hatid nito sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa na maraming turistang nagpupunta tulad ng Brazil kung saan, mayroon nang outbreak.
Kaya naman pinayuhan ni Dr. Roman ang mga Pilipino na mag-ingat lalo na ang mga buntis na bumibiyahe sa mga bansa na may aktibong kaso ng zika.
Vaccine
Posibleng ilabas sa katapusan ng taong ito ang bakuna para sa zika virus.
Gayunman, nilinaw ni Canadian Scientist Gary Kobinger, developer at bahagi ng consortium na nagtatrabaho para sa vaccine na para lamang sa emergency use ang ilalabas na bakuna.
Ang unang stage aniya ay isusubok ang naturang bakuna sa tao sa buwan ng Agosto at kapag nagtagumpay ang testing ay uubra na itong gamitin sa public health emergency sa Oktubre o Nobyembre.
Samantala, ang Amerika ay mayroong dalawang potential candidates para sa zika vaccine at posibleng simulan ang clinical trials sa tao sa katapusan ng taon bagamat hindi muna ito ilalabas sa buong mundo.
By Jaymark Dagala | Judith Larino