Iginiit ng iba’t ibang grupo ng jeepney drivers ang pagtutol sa planong pag-phase out sa mga matatandang jeep.
Sa katunayan, alas-5:00 pa lamang ng madaling araw ay lumabas na ng kalye ang mga jeepney driver para simulan ang kanilang protest caravan.
Nagsanib ng puwersa sa Elliptical Road sa Quezon City ang mga grupo ng jeepney drivers na kaalyado ng ‘No to Jeepney Phase Out Coalition’.
Mula Elliptical Road ay tumulak pa-Mendiola ang mga nasabing protester na kumikilos din laban sa mataas na presyo ng cleaner euro 4 gasoline at e-jeepneys.
Market vendor protest
Samantala, nagsagawa naman ng noise barrage ang mga vendor sa Cloverleaf Market sa Balintawak, Quezon City.
Bahagi ito nang pagkontra ng mga vendor sa closure order na inisyu ng Quezon City Hall noong Biyernes.
Hinarang din ng vendors ang entrance ng nasabing palengke gamit ang kani-kanilang mga kariton.
Ang nasabing protesta ng mga vendor ay nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko.
Una nang ipinasara ng Quezon City Hall ang Riverview 2 Market at MC Market dahil sa paglabag sa health at building codes.
By Judith Larino