(EXCLUSIVE)
Ipinasasailalim na sa drug test ng kumpanyang Joanna Jesh Bus Line ang kanilang driver na si Ruel Labin, na nasangkot sa pagbangga ng mga orange plastic barriers sa kahabaan ng Edsa-Ayala kamakailan.
Ito ay upang matiyak kung lango ba sa ipinagbabawal na droga ang tsuper nang kaladkarin nito ang mga barrier.
Ito ang siniguro sa eksklusibong panayam ng DWIZ kay Jake Dayunko, Operations Head ng Joanna Jesh Bus Line, bago siya magtungo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kanina.
Ayon kay Dayunko, kanila nang inilagay sa preventive suspension si Labin, at batay sa kanilang paunang imbestigasyon, ikinatwiran ng drayber na siya raw ay ginitgit ng isang bus kung kaya’t napuruhan niya ang mga barrier.
Ngunit inamin naman nito na nagkamali siya lalo’t hindi umano siya tumigil matapos niyang banggain ang mga barrier.
Batay aniya sa rekord ng Joanna Jesh, nasa pangatlong-linggo pa lamang bilang tsuper nila si Labin.
Dating dump truck drayber si Labin, at dumaan umano ito sa 10 araw na training bago nila ito ipinagmaneho ng bus.
Gayunpaman, ay dadaan sa tamang prosesong legal ang kaso ni Labin.
“Ang ano namin diyan ay isailalim siya ng suspension or termination kung alin po sa dalawa ay pinag-aaralan pa namin, lalabag naman po kami sa Labor Code kung basta-basta namin siyang tatanggalin nang di man lang dumadaan sa due process. Ang isa sa panuntunan namin kapag nasangkot sa aksidente ay ipinapa-drug test namin, pag-aaralan pa po ng legal department, pero sa ngayon isasailalim siya sa preventive suspension, after ng preventive suspension kapag nakita ng kumpanya na talagang siya ay nagkamali ay baka matanggal siya.” Ani Dayunko.
Samantala, dahil sa pinadalhan na ng show cause order ng LTFRB ang Joanna Jesh Bus Line ay handa nilang sagutin anumang parusang ipapataw sa kanila.
Gayunpaman sa parte ng kumpanya ay humingi sila ng paumanhin at siniguro nila na hindi na ito mauulit.
“Lahat ng driver namin, magpapatawag ako ng meeting para isailalim ulit sila, uulitin namin yung bago sila tinanggap ay uulitin namin ulit, ipapaalala namin sa kanila na yung mga pasahero na sumasakay sa kanila ay buhay ng tao yun.” Pahayag ni Dayunko.
By Alex Santos
LTFRB
Humarap na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang driver ng bus na nanagasa ng plastic barriers ng MMDA sa EDSA.
Sa harap ni LTFRB Board Member Ariel Inton ay muling itinanggi ni Ruel Labin, driver ng Joanna Jesh Transport Corporation na sinadya niyang araruhin ang mga plastic barriers.
Iginiit ni Labin na tumatakbo lamang siya ng 40 hanggang 45 kilometers per hour nang mangyari ang insidente, taliwas sa reports na masyadong mabilis ang kanyang takbo.
Ipinaliwanag ni Labin na iniwasan lamang niya ang isang humahagibis na bus kaya’t tinamaan niya ang plastic barriers.
Huminto rin aniya siya sa isang bahagi ng EDSA upang tiyaking walang nasaktan sa kanyang mga pasahero at inayos nila ng kanyang konduktor ang mga tumalsik na plastic barriers.
By Len Aguirre