Pinag-iingat ng embahada ng Pilipinas sa Washington ang lahat ng Pinoy sa Estados Unidos kaugnay ng kumakalat na zika virus.
Pinayuhan ng Philippine Embassy ang Filipino American community doon na alamin ang mahahalagang detalye ukol sa sakit na zika kabilang ang sanhi, sintomas, paraan ng pagkahawa at mga paraan upang maiwasan ito.
Ang mga tamang impormasyon ukol dito ay maaaring makita sa website ng World Health Organization at US Centers for Disease Control and Prevention.
Nito lamang Enero, kapansin-pansin ang pagtaas ng kaso ng zika sa mga bansa sa American region kung saan nangunguna rito ang Brazil.
Brazil
Samantala, nagdeklara na ng giyera ang Brazil laban sa mga lamok na responsible sa pagkalat ng zika virus.
Hinimok ni Brazilian President Dilma Rousseff ang kanyang mga mamamayan na makiisa sa laban ng gobyerno kontra zika.
Sinabi ni Roussef na dapat magtulong-tulong ang lahat mula sa pamilyat komunidad para linisin ang kanilang mga lugar na posibleng pamugaran ng mga lamok na nagtataglay ng naturang sakit.
Dahil sa kawalan sa ngayon ng gamot laban sa zika, ito pa lamang sa ngayon ang nakikita nilang paraan upang mapahupa ang pagtaas ng kaso ng sakit.
Kasabay nito, tiniyak ng Pangulo ng Brazil na ginagawa ng gobyerno ng Brazil ang lahat upang protektahan ang kanilang mamamayan kontra zika.
By Ralph Obina