Kinansela ng Sandiganbayan sa ikatlong pagkakataon ang pretrial sa kasong plunder ni Senator Ramon Bong Revilla, Jr.
Ipinaalam ni Atty. Reody Anthony Balisi, isa sa mga abogado ni Revilla sa korte na hindi pa sila tapos sa pagmamarka ng kanilang documentary evidence sa kaso.
Bukod ditto, sinabi ni Balisi na mayroon pang nakabinbing mosyon ang kanilang kampo para i-subpoena ang ilan pang dokumento na magpapalakas ng kanilang depensa.
Magugunitang noong isang linggo ay hiniling ng kampo ni Revilla sa First Division na ipag-utos ang pagpapalabas ng ilang dokumento kabilang ang travel records ni PDAF scam primary witness Benhur Luy.
Hiniling din ng kampo nina Atty. Richard Cambe at Janet Lim Napoles na mabigyan pa ng dagdag na araw para tapusin ang pagma marka ng kanilang counter evidence.
Dahil dito, itinakda ni First Division Chairman Associate Justice Efren dela Cruz sa March 7 ang panibagong pre-trial conference.
By Judith Larino | Jill Resontoc (Patrol 7)