Bagama’t umatras na sa presidential race, kasama pa rin ang pangalan ni OFW Family Club Partylist Rep. Roy Señeres sa certified list ng Commission on Elections (COMELEC) ng mga presidential at vice presidential candidate na isasama sa balota para sa halalan.
Bukod kay Señeres, kasama din sa mga kandidato sa pagka-pangulo sina Vice President Jejomar Binay, Senator Miriam Defensor-Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senator Grace Poe, at administration candidate Mar Roxas.
Ang certified na listahan ay inilabas kasunod ng ginawang pagbasura ng COMELEC First Division sa apat na disqualification case laban kay Duterte.
Ang petisyon naman ni Poe laban sa pasya ng COMELEC na nagkakansela sa kanyang certificate of candidacy ay nakabinbin pa rin sa Korte Suprema.
Ang mga pangalan namang lalabas sa balota para sa vice presidential race ay sina Senator Alan Peter Cayetano, Senator Chiz Escudero, Senator Gringo Honasan, Senator Bongbong Marcos, Camarines Sur Rep. Leni Robredo, at Senator Antonio Trillanes IV.
Sinasabing sisimulan na ng poll body ang pag-imprenta ng mga balota sa Lunes, Pebrero 8.
By Jelbert Perdez