Muling naudlot ang pagsisimula ng pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa May 9 elections.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na ipinagpaliban ng Commission on Elections (COMELEc) ang pagpapa-imprenta ng mga balota na dapat sana’y sinimulan pa noong January 26 na naipagpaliban ng February 1 at kalauna’y naging February 8.
Pangunahing dahilan ng pagpapaliban ng COMELEC sa pagpapa-imprenta ng mga balota ay dahil nais nilang antayin muna sana ang desisyon ng Supreme Court kung idi-disqualify o hindi si Senador Grace Poe.
Pero sa pagkakataong ito, sinabi ng COMELEC na tinatapos pa ang source code para sa vote counting machines o VCM at canvassing consolidation system o CCS na dapat sana’y maisusumite ng February 9.
Sinabi ni COMELEC Commissioner Christian Lim na kailangan ring i-modify ang EMS o election management system hash codes dahil sa mga nakitang error na sanhi di umano ng CCS hash codes.
Dahil dito, sinabi ng COMELEC na posibleng ituloy ang pagsisimula ng pag-imprenta ng mga balota sa Lunes, February 15.
By Len Aguirre