Siguradong mayuyugyog ang ekonomiya ng bansa sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng langis.
Ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, napag-alaman niyang halos kalahati ng mga infrastructure projects sa Middle East ay nakansela na kayat malabong magkaroon ng demand para sa mga karagdagang OFWs ngayong taon.
Kapag nangyari anya ito, siguradong hindi lalago ang remittances mula sa mga OFWs at malamang ay bumagsak pa sakaling pauwiin sila ng mga bansang kinaroroonan nila dahil sa paglamya ng ekonomiya.
“Posibleng mawalan ng trabaho sa Middle East, at napakaraming Pilipino ang nandun, at sa aking pagkaalam ang infrastracture budget sa Saudi Arabia halos na-cut na ng more than 60 percent so posible itong maging threat sa ating ekonomiya at dapat paghandaan natin yung mga mawawalan ng trabaho doon.” Ani Recto.
Dahil sa posibilidad na maraming OFWs ang mapauwi kung patuloy na babagsak ang presyo ng langis, iminungkahi ni Recto na gamitin ang 2.5 billion contingency fund ng Pangulo para matulungan ang mga itong makahanap ng trabaho sa bansa.
“Walang budget sa 2016 hindi naman na-anticipate yan, infact yung oil prices sa 2016 budget we have stated anywhere from 50-35 dollars/ barrel pero bumagsak to 30 at yan ang wala sa budget pero may contingency fund ang office ng ating Pangulo at puwedeng i-source yung pondo para dito.”
Pinuna ni Recto na nakapaglaan ang pamahalaan ng 30 bilyong pisong unprogrammed funds para sa mga posibleng mautang dahil sa PPP o Private Public Partnership, pero kahit isang kusing ay walang contingency fund para sa mga OFW’s.
“Meron naman pero not sufficient, merong pondo pero napakaliit lang nun eh para sa repatriation and all that.” Pahayag ni Recto.
By Len Aguirre | Karambola