Malaking hamon pa rin sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang halos 3 milyong Pilipino na walang trabaho.
Inihayag ito ni Director Nikon Fameronag, Spokesman ng DOLE makaraang bumaba sa 5.6 percent na lamang ang unemployment rate sa bansa, ang pinakamababa sa nakalipas na 11 taon.
Katumbas ito ng 2.7 milyong Pilipino mula sa 47 milyong workforce sa bansa o yung mga kwalipikado para magtrabaho.
Sinabi ni Fameronag na halos kalahati ng mga walang trabaho ay mga kabataang nasa edad 15 hanggang 24 na taong gulang.
“Gusto nating matutukan yan talaga, hopefully term reform na K-12 kapag naramdaman na natin ang epekto niyan, sana bumaba pa lalo ang ating unemployed numbers pagdating sa mga kabataan.” Ani Fameronag.
Kasabay nito, inamin ni Fameronag na tali ang kamay ng DOLE sa contractualization dahil mangangailangan ito ng aksyon mula sa Kongreso.
Gayunman, may mga ginawa na rin anya ang DOLE para mapagaan ang epekto ng contractualization tulad ng paghahabol sa mga fly by night na sub-contractors o yung mga supplier ng mga manggagawa sa isang kumpanya para sa 5 buwang trabaho.
“Karapatan ng mga contractual employees na tulad sa mga karapatan ng regular workers at may epekto nay an sa pamamagitan ng department order 18-A naayos natin ng husto ang hanay ng mga sub-contractors, ngayon nawala na ang mga fly by night from 15,000 subcontractors na pinabili lamang ng suka ay naging subcontractor na, ngayon ay mga 4,500 na lang ito.” Pahayag ni Fameronag.
By Len Aguirre | Ratsada Balita