Walang balak ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na itigil ang sunod-sunod na Oplan Galugad sa loob ng pinakamalaking kulungan sa bansa.
Kasunod ito ng inilargang ika-17 na operasyon sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay NBP Superintendent Richard Schwarzkopf, ito ay dahil unti-unti nang nalilinis ang bilangguan mula sa mga kontrabando at mararangyang mga kubol.
“Ang napupuna natin dito sa mga huli na nating Oplan Galugad sa New Bilibid Prisons ay paliit na ng paliit, armas o bala wala na tayong nakukuha, malalaking appliances wala na rin, may mga ilan pang electronic gadgets pero hindi naman tayo titigil.” Ani Schwarzkopf
Kinumpirma din ng pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) na ipinagiba na nila ang bagong natuklasang mala-hotel na kubol sa loob ng NBP compound.
Nilinaw din ni Schwarzkopf na maisasakatuparan lamang ang mga pagbabago sa Bilibid kapag tuluyan nang naipatupad ang BuCor Modernization Law.
“Sana ay maipatupad na nang tuluyan ito, para yung additional na personnel ay makapag-recruit na tayo, tataas ang suweldo ng ating mga kasamahan at magkakaroon tayo ng pasilidad, at maaaring matuloy ang regionalization para ma-decongest ang ating NBP.” Pahayag ni Schwarzkopf
Mahigpit na ring binabantayan ang mga prison guard sa NBP kasunod ng hindi matigil na pagpasok ng mga kontrabando sa loob ng bilangguan.
Ayon kay Schwarzkopf, naglagay na sila ng karagdagang 40 mga CCTV camera sa loob ng maximum security compound upang matukoy ang mga bantay na nagpapagamit sa mga bilanggo.
Una nang kinasuhan ang may 4 na prison guard ng NBP matapos na mahuli mismo sa kanilang pangangalaga ang mga cellphone at iba pang mga kontrabado ng mga bilanggo.
By Jelbert Perdez | Rianne Briones | Ratsada Balita