Nakapagtala ng ilang aberya ang COMELEC sa isinagawang mock elections ngayong araw na ito.
Nasaksihan mismo ni COMELEC Chairman Andres Bautista ang trial voting sa H. Atienza Elementary School sa Maynila kung saan napuna nito ang mabagal na pagboto.
Sinabi ni Bautista na may nakausap siyang botante na mahigit 10 minuto ang ginugol para sa voting process na mabagal aniya kumpara sa inaasahan nilang dalawa hanggang 3 minuto lamang.
Kabilang din aniya sa naging problema ang pagkalat ng tinta sa kanilang balota subalit karamihan sa mga balkot sheet ay binasa naman ng tama ng VCM o vote counting machines.
Kaugnay nito, hindi muna ginamit ng COMELEC sa mock elections kanina ang mga pangalan ng mga opisyal na kandidato para sa halalan sa Mayo.
Sa halip, mga pangalan ng mga sikat na artista at singer sa loob at labas ng bansa ang naka-imprenta sa mga balota.
Ilan sa mga pinagpilian para sa presidential mock elections kanina ay ang mga pangalan nina Justin Bieber, Michael Jackson, Katty Perry, Selena Gomez at Taylor Swift.
Para naman sa vice presidential mock elections, nasa listahan sina Ariana Grande, Alicia Keys, Nicki Minaj at Zac Efron.
Habang sa pagka- senador, pinagpilian ang mga pangalan nina Elvis Presley, Bon Jovi, Marilyn Monroe, Britney Spears, Christina Aguilera at Celine Dion.
Paalala naman ni Bautista, bagamat ibang pangalan ang naka-imprenta sa balota sa ginawang mock elections kanina, ay pareho naman anya ang itsura ng orihinal na balota na gagamitin sa Mayo at ang proseso ng paggamit nito.
By Judith Larino | Jonathan Andal