Naniniwala ang isang election lawyer na responsibilidad ng isang kandidato na ipagtapat ang estado ng kanilang kalusugan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Atty. Romy Macalintal na dapat tularan ng mga kandidato ang mga ordinaryong empleyado na nag-a-aplay sa isang kumpaniya at nagpapasa pa ng medical records.
“Nararapat lang na magsalita sila tungkol sa tunay nilang kalagayan. Kung ang isang janitor bago pumasok sa trabaho, uma-undergo sa physical examination, bakit hindi ‘yun pwede hilingin sa mga kandidato? Ang problema lang it would be on a voluntary basis kasi wala namang batas na nag oobliga sa kanila ng ganoon.”
Sa kabila nito, umaasa pa rin si Macalintal na ma-amyenda ang saligang batas, partikular ang tungkol sa pag-oobliga sa mga kandidatong ipakita ang kanilang medical records.
“Siguro, one of these days kapag na amyendahan ang batas ay pwede ‘yan isama. Hindi ‘yan naisama kasi hindi naman naisip ng mga gumawa ng Saligang Batas natin na darating yung araw na kahit na may karamdaman ay may mga tao na tatakbo pa rin. Suguro kung mababago ang batas iyan ay magiging kabahagi na,” paliwanag ni Macalaintal.
By: Allan Francisco