Nanawagan ang Lesbian, Gay, Bisexual at Transgender o LGBT group na Ang Ladlad sa publiko na huwag iboto si Saranggani Congressman Manny Pacquiao na kumakandidato sa pagka-senador.
Ito’y matapos ang mapanira umanong pahayag ni Pacman hinggil sa kanyang pagtutol sa same sex marriage na inihalintulad pa nito sa mga hayop.
Ayon kay Prof. Danton Remoto, National Chairperson ng Ang Ladlad, mababaw ang pang-unawa ng mambabatas sa mga usaping pang-lipunan.
Malinaw anyang nakasaad sa Saligang Batas ng bansa ang pantay na karapatan ng bawat Pilipino na makipagrelasyon sa kaparehong kasarian alinsunod sa equal rights provision nito.
Sa panig naman ni dating Ang Ladlad Partylist Representative Bems Benedito, mariin nitong sinabi na hindi nila tinatanggap ang paumanhin ni Pacquiao.
“Hindi po namin tinatanggap dahil mukhang hindi po sinsero ang kanyang pagso-sorry, at siya naman po ay nanindigan na na hindi po siya kakampi ng mga LGBT dahil naninindigan pa rin siya na hindi pa rin siya pabor sa same sex marriage at alinman sa mga batas na isinusulong ng aming sektor.” Pahayag ni Benedito.
Kaugnay nito, buo ang loob ng grupo na ikampanya ang hindi pagboto kay Pacquiao na tumatakbo ngayon para sa senado.
“Bilang mambabatas hindi po namin talaga ine-expect na magiging ganito ang statements ng isang mambabatas na tulad niya na meron naman po siyang mga kinatawan na LGBT sa distrito niya.” Ani Benedito.
Pacman
Bumawi naman si Sarangani Representative Manny Pacquiao sa mga miyembro ng LGBT community.
Kagabi, pinangunahan ni Pacquiao ang isang dinner na dinaluhan ng ilang miyembro ng LGBT community sa General Santos City.
Una nang humingi ng paumanhin si Pacman sa kanyang pagtawag ng hayop sa mga ito.
Ngunit sinabi ni Pacquiao na nanatili siya sa kanyang pagtutol sa same sex marriage.
Votes
Samantala, marami nang mga pulitiko ang nakikisakay sa isyu ng pagkontra ni Saraggani Rep. Manny Pacquiao sa LGBT community.
Ayon kay Bemz Benedito, ang ilan nang nagsabing isusulong nila ang ilang ipinaglalaban ng LGBT community tulad ng same sex marriage.
Ngunit paliwanag ni Benedito, magiging mas mapanuri na sila ngayon dahil siguradong ang kanilang boto lamang ang habol ng mga ito.
“So ang priority po namin sa ngayon ay maipasa muna ang anti-discrimination bill, ito po yung naglalayon na proteksyunan ang LGBT laban sa diskriminasyon sa trabaho, sa eskwelahan at sa pagne-negosyo.” Dagdag ni Benedito.
By Rianne Briones | Meann Tanbio | Ratsada Balita