Patuloy na bineberipika ng gobyerno ang ulat na paglalagay ng missile defense system ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Inihayag ito sa DWIZ ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Assistant Secretary Charles Jose.
Una nang napaulat sa international news na nagtatayo na ang China ng military base sa Woody Islands sa Paracels.
“Bine-verify pa po namin ang information na ito, at this point hindi pa po namin makumpirma pa kung totoo ang ulat na ito, magbibigay kami ng detalyadong hakbang na dapat gawin once na na-verify na namin.” Pahayag ni Jose.
Sa panig naman ng Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na nakarating na kay Pangulong Benigno Aquino III ang balita at inatasan ang Department of National Defense (DND) na alamin ang katotohanan hinggil dito.
Tiniyak ni Lacierda na patuloy na naka-monitor ang gobyerno sa issue sa West Philippine Sea at tumatalima sa nakasaad sa Section 5 ng 2002 Declaration of Conduct in the South China Sea na lahat ng bansang claimant ay hindi dapat gumawa ng anumang aksyong makasasama sa sitwasyon.
Umaasa naman si Lacierda na itutuloy ng susunod na administrasyon ang foreign policy na nasimulan ng Aquino administration dahil suportado naman aniya ito ng international community.
China
Itinanggi naman ng China ang mga ulat na nag-deploy ito ng mga advance surface-to-air missile systems sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, kathang isip lamang ng western media ang pag-dedeploy ng Tsina ng missile system sa Woody Island, na bahagi ng Paracel Islands na inaangkin din ng Taiwan at Vietnam.
Inihayag ni Wang na dapat tutukan na lamang ng media ang mga lighthouse na itinayo ng Tsina sa ilang pinag-aagawang isla.
Gayunman, iginiit naman ni Chinese Foreign Ministry Spokesman Hong Lei na anumang pasilidad na itinayo nila sa Spratly Islands ay para lamang sa national defense at hindi militarisasyon ang layunin.
Una ng iniulat ng Fox News na ipinosisyon na ng China ang mga HQ-9 missile system nito sa woody island na isang banta para sa mga dumaraang eroplano sa naturang lugar.
By Drew Nacino | Meann Tanbio | Ratsada Balita | Aileen Taliping (Patrol 23)