May sapat na batayan na para i-disqualify ng Korte Suprema sa halalang pampanguluhan si Senadora Grace Poe.
Ito, ayon kay Atty. Estrella Elamparo, matapos ang ilang araw na oral arguments sa mataas na hukuman hinggil sa kaso ni Poe.
Sa panayam ng DWIZ, muling pinanindigan ni Elamparo ang kanyang posisyon na hindi kuwalipikadong tumakbo si Poe.
Inamin din ng isa sa mga nagpapa-disqualify kay Senadora Grace Poe na nakakabahala ang pagkampi ni Solicitor General Florin Hilbay sa Senadora.
Ayon kay Elamparo, nabigo si Hilbay na gampanan ang tungkulin niya bilang kinatawan ng taongbayan nang idepensa nito si Poe at tumangging maging kinatawan ng Commission on Elections (COMELEC) sa oral arguments ng Korte Suprema.
“Ordinarily dapat yung Solicitor General ang magtatanggol sa posisyon ng gobyerno pero sa kasong ito unfortunately, ang ating SolGen ay hindi pumanig sa COMELEC, pero gayunpaman ay nagampanan ni Commissioner Lim yung bahagi na yan.” Ani Elamparo.
Sa kabila nito, sinabi ni Elamparo na mahirap pa ring timbangin sa ngayon kung ano ang magiging boto ng mga mahistrado ng Korte Suprema sa kaso ni Grace Poe.
“May punto din naman ang sinasabi ng iba na yung mga tanong at mga komento during the oral arguments ay hindi naman necessarily na yun na din ang kanilang posisyon sa kanilang isipan, maaaring sinasabi nila ay tine-test lamang ng isang partido, sa tingin ko ay may sapat na batayan na ang ating Korte Suprema kung saka-sakali, na i-disqualify si Senadora Grace Poe.” Dagdag ni Elamparo.
By Jelbert Perdez | Len Aguirre | Ratsada Balita