Nanganganib na kulangin na ng panahon ang Commission on Elections o COMELEC sa paghahanda nito para sa May 9 elections.
Babala ito ni Professor Ramon Casiple, isang political analyst matapos ihinto ng National Printing Office o NPO ang pag-imprenta ng mga opisyal na balotang gagamitin sa eleksyon dahil hindi nailagay ang partido ni Senador Miriam Santiago na isa sa mga presidential candidates.
Ayon kay Casiple, dapat tiyakin ng COMELEC na hindi na sila makakaranas ng aberya dahil naubos na nila ang naka reserba nilang oras.
“Inilahad nila yung mga bagong timetable, ang observation namin is mukhang hindi na kayo maka-afford ng major glitches, yun talagang ma-delay ng husto kasi wala na, wala nang oras, may built in kasi na mga reserved time yan eh, ang lumilitaw ubos na.” Ani Casiple.
Sinabi ni Casiple na sa ngayon ay eksakto pa naman sa oras ang COMELEC dahil ginamit nila ang nawalang mga oras para sa opisyal na balota para makagawa ng mga demo ballots para sa final testing ng mga VCM o voting counting machines.
Bagamat hindi anya masyadong malaking isyu ang hindi pagkakasama ng partido ni Santiago sa opisyal na balota, maaari naman itong gawing sandata ng senador para magprotesta.
“Hindi naman problema, kasi ang ginawa nila nag-print na lang muna sila ng mga demo ballots, so wala namang nawala sa oras habang hinahabol nila ang bagong ballots, puwedeng maging basis for protest yun eh, na hindi siya naboto, yung pamilyar sa kanyang party ay hindi siya nahanap.” Pahayag ni Casiple.
LP
Nananatiling malaking palaisipan ang lawak ng impluwensya ng Liberal Party (LP) ng administrasyon sa Commission on Elections.
Ayon kay Professor Ramon Casiple, ang kasalukuyang administrasyon na ang nagtalaga ng mga opisyal ng COMELEC mula sa chairman hanggang sa mga commissioners.
Nabanggit ito ni Casiple makaraang malagay na naman sa balag ng alanganin ang oras na nakalaan para sa pag-imprenta ng mga balota dahil hindi naisama ang partido ni Senador Miriam Defensor Santiago.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Professor Ramon Casiple
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas