Malaki ang posibilidad na mauwi sa digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at China ang tensyon sa South China Sea.
Ayon kay Chito Sta. Romana, isang beteranong mamamahayag na nag-cover sa China, ito ay kung ibabatay sa kasaysayan ang ginagawang pagkilos ngayon ng China.
Ang paglalagay aniya ng China ng missile system sa Woody Island ay simula na militarisasyon sa South China Sea at upang ipakita sa mga kapwa nila claimants na may karapatan silang maglagay ng kanilang depensa sa mga isla.
“Meron yung tinatawag nating karanasan ng kasaysayan, merong isang Harvard professor, pinag-aralan niya ano ang nangyayari kapag ganyan? Merong rising power at merong dominant power at tsaka china-challenge ng isang rising power yung katayuan nung dominant power, since the 1500 out of 15 to 16 cases, 12 have resulted in war, so historical average makikita natin na halos 12 out of 16, halos 60 percent chance.” Ani Sta. Romana.
Gayunman, sinabi ni Sta. Romana na puwede namang hindi mangyari ang giyera dahil kilala sa diplomasya at negosasyon ang Estados Unidos.
LISTEN: Bahagi ng panayam kay Chito Sta. Romana
Diplomatic protest
Posibleng magsampa ng diplomatic protest ang Pilipinas sa sandaling mapatunayang totoo ang report na nag-deploy ng missile system ang China sa Woody Island, isa sa mga pinag-aagawang isla sa South China Sea o West Philippine Sea.
Ayon kay Asst. Secretary Charles Jose, Spokesman ng Department of Foreign Affairs o DFA, sa ngayon ay nasa proseso pa sila ng pagkumpirma kung totoo ang lumabas na report sa Fox News.
Binigyang diin ni Jose na anuman ang maging aktibidad ng China sa West Philippine Sea ay dapat maging alalahanin o concern ng lahat.
“Lahat po ng nangyayari sa South China Sea should be a concern ng bawat isa sa ating mga Pilipino dahil may serious implication ito sa security at economy ng ating bansa. Significant po yung katatapos lamang na ASEAN-US dahil ang gusto ng US ay magkaroon ng united front among ASEAN countries laban sa ginagawang mga unilateral at aggressive actions ng China dito sa South China Sea.” Pahayag ni Jose.
Samantala, nilinaw ni Jose na hindi na puwedeng isama sa nakabinbing arbitration case laban sa China ang pag-dedeploy nito ng missile sa West Philippine Sea.
Ayon kay Jose, tapos na ang pagtalakay sa kaso at hinihintay na lamang nila ang desisyon ng tribunal na inaasahang lalabas anumang oras mula ngayon hanggang Mayo.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Karambola