Ipinapasa na ng pamahalaan sa mga kabataan ang pagpapatuloy sa mga pangarap na binuo ng EDSA People Power revolution noong 1986.
Ayon kay Assistant Secretary Celso Santiago ng People Power Commission, ang mga kabataan ang bida sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Gagamit anya sila ng modernong teknolohiya upang maikuwento sa kabataan ang mga pangyayari mula noong panahon ng Martial Law hanggang sa EDSA People Power Revolution sa pamamamagitan ng inilagay na experiential museum sa Camp Aguinaldo.
Sa halip rin na ang mga nangunang personalidad sa EDSA ang magsagawa ng reenactment sa salubungan, mga anak na nila ang gaganap dito.
“Meron po tayong itinayong experiential museum sa Camp Aguinaldo, laman po ng museum ay modern technology para maka-attract sa kabataan, para ikuwento yung istorya ng Martial Law hanggang EDSA, nakita nga po ng EDSA People Power Commission yan na yung kabataan natin ay una, manipis ang kaalaman tapos meron ding mga efforts to revise history so parang hindi naibibigay sa kanila yung tunay na kuwento ng Martial Law kaya ito pong ginagawa natin ay kampanya po para sa katotohanan.” Pahayag ni Santiago.
Security
Plantsado na ang mga nakalatag na seguridad para sa pagdiriwang ng ikatlong dekada ng EDSA People Power Revolution bukas, Pebrero 25.
Ayon kay Col. Vic Tomas, Deputy Commander ng AFP Joint Task Force NCR, inaasahang mas malaki ang bilang ng mga contingents na makikilahok sa pagdiriwang kumpara sa mga nagdaang taon.
Hindi rin aniya sila pumapalya sa pakikipag-ugnayan sa National Capital Region Police Office o NCRPO gayundin sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa mga posibleng pagbabago.
Inamin din ni Tomas na magiging magarbo ang pagdiriwang ng EDSA People Power ngayong taon dahil bukod sa ika-30 anibersaryo, ito na rin aniya ang huling EDSA sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
New air assets
Ibibida naman ng Philippine Air Force ang mga makabago at iba’t ibang air assets ng bansa bukas kasabay ng pagdiriwang ng ikatlong dekada ng makasaysayang Edsa People Power Revolution.
Ayon kay Col. Enrico Cayana, tagapagsalita ng Air Force, magpapakitang Gilas ang kanilang mga tauhan sa gagawing flyby gamit ang 2 FA-50 fighter jets, 15 SF-260fh, 3 bell 412cuh, tatlong UH 1-D at AW109 choppers.
Dalawang UH-1-H naman ang magsasagawa ng flower drop at maghuhulog ng mga confetti sa kasagsagan ng pagdiriwang.
Dagdag pa ni Cayana, mas magiging magarbo ang huling EDSA People Power ni Pangulong Benigno Aquino III kumpara sa mga nakalipas na pagdiriwang nito.
By Len Aguirre | Jaymark Dagala | Ratsada Balita