Sinasanay ng isang foreign bomb expert ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF kung paano gumawa ng bomba.
Ito, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Col. Restituto Padilla ay bunsod ng nadiskubreng mahigit 100 pampasabog na itinanim ng mga rebelde sa Barangay Tee, Datu Salibo, Maguindanao.
Giit ni Padilla, hindi kaya ng BIFF na gumawa o magkabit ng napakaraming booby traps nang walang ayuda mula sa isang foreign expert.
Lumalabas din umano na ginagamit ng mga rebelde ang abandonadong kampo nito sa Barangay Tee bilang training ground sa paggawa ng improvised explosive devices o IED’s.
Ayon kay Padilla, inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng umano’y explosives expert.
Doble-kayod na rin ang AFP upang ma-detonate nang maaga ang mga nasamsam na pampasabog bago ang May 9 elections.
By Jelbert Perdez