Naka-taas na ang full alert status sa buong kalakhang Maynila bilang bahagi ng pagdiriwang ng ikatlong dekadang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong araw.
Pagtitiyak naman ni National Capital Region Police Office o NCRPO Dir. C/Supt. Joel Pagdilao, kasado na ang mga inilatag nilang seguridad para sa pagdiriwang.
Sapat din aniya ang mga ipakakalat na pulis na magsisilbing security, crowd control, emergency response at traffic management.
Katuwang aniya nila ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng MMDA, DOH, DPWH at NDRRMC.
Siniguro pa ni Pagdilao na hindi apektado ng pagdiriwang ang normal na operasyon ng pulisya sa iba pang bahagi ng kalakhang Maynila.
Coast Guard
Umapela naman ang Philippine Coast Guard sa mga residenteng nasa tabing dagat tulad ng Maynila at Pasay na huwag mabahala o mag-panic.
Ito’y dahil sa kanilang patutunugin ang mga sirena ng kanilang mga barko ngayong araw bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ikatlong dekada ng Edsa People Power Revolution.
Inihayag ito ng Coast Guard makaraang magdulot ng kalituhan sa publiko ang ginawang pagpapalipad ng air assets ng Air Force na bahagi ng kanilang dry run.
Maliban sa pagpapatunog ng sirena, maglalagay din ang Coast Guard ng mga watawat ng Pilipinas sa mga nakadaong nilang barko sa mga pantalan.
By Jaymark Dagala