Nagsalita na ang National Security Council (NSC) sa isyu ng patuloy na pagpapaigting ng presensiya ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa pananalita ng NSC, tila maging sila ay naalarma na sa mabilis na reklamasyon ng China at ang bago rito ay ang pagtatatag ng “de facto Air Defense Identification Zone (ADIZ) sa lugar.
Kaya ang kanilang mungkahi ay dapat ibaling na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang lakas at mas palakasin ang territorial defense mechanism nito laban sa mga umaangking bansa.
Pero ang masaklap, kung pagbabatayan ang pagtaya ng ilang analysts sa kakayahan ng AFP, tila walang ibubuga raw ang pwersa o military ng bansa, kung ikukumpara sa military at presensiya ng Tsina.
Nakalulungkot isipin, dahil dapat tayo ang may karapatang igiit ang teritoryo, pero lumalabas na tayo ang laging api at kawawa.
Kung itapat mo ang ika nga military might ng China sa ating AFP, naku wala pa tayo sa kalingkingan.
Ngayon paano natin ipaglaban an gating soberenya at teritoryo kung kulang tayo sa kagamitang pang-depensa.
Naalala ko tuloy ang panayam ko kay Ginoong Arnel Casanova, ang Pangulo at CEO ng Bases Conversion Development Authority (BCDA), na malaki raw ang naging kontribusyon ng GOCC na ito sa pagpapaganda at modernisasyon ng AFP dahil sa dami na nilang lupang naibenta at naipa-renta sa mga pribadong kompaniya, ilan lamang diyan ay ang Fort Bonifacio na pinagtatayuan na ng mga sikat na restaurant at condominiums, ngunit nananatiling kaawa-awa pa rin ang ating kasundaluhan.
Tama nga si Senador Chiz Escudero sa pagsasabing, nasaan na ang P64 –Billion na Modernization Fund?
Hawak na ba ng AFP ang halagang ito, o baka naman ay meron nang nakinabang dito?
Kung gagawa tayo imbentaryo ng mga gamit pandigma na kasalukuyang meron ang AFP, sigurado akong hindi sapat ang mga ito para sa planong pakikipag-sagupa sa hinaharap laban sa mga agresibong bansa tulad ng China.
Tulad ng sinasabi ng ating mga kababayan, mananatiling panaginip na lamang, na tayo ay magkaroon ng mga sophisticated at advance military defense equipment.
Kung sabagay, hindi pa naman huli ang lahat, hangga’t pambu-bully pa lamang ang ginagawa ng Tsina sa atin.