All systems go na para sa grand float parade ng 21st Panagbenga Festival na may temang “Bless the Children with Flowers” sa Baguio City, sa Linggo.
Magsisimula ang parada alas-8:00 ng umaga sa DILG-Session Road na daraan sa Harrison Road hanggang Athletic Bowl sa Burnham Park pero inaasahang alas-4:00 pa lamang ng madaling araw ay daragsa na ang libu-libong manonood.
Ayon sa city government at Baguio Flower Festival Foundation Incorporated, 11 float na kalahok at 7 iba pang maliit na float ang masasaksihan sa parada.
Tiniyak naman ng Baguio City Police Office ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa buong lungsod para sa naturang aktibidad sa pamamagitan ng deployment ng tinatayang 500 pulis.
Pinapayuhan naman ang publiko lalo ang mga turista na huwag ng magdala ng sasakyan patungong Central Business District upang maiwasan ang matinding traffic.
By Drew Nacino