Nakapaglagak na ng piyansa si dating Makati City Mayor Junjun Binay ngayong araw para sa pansamantala niyang kalayaan habang dinidinig pa ng Sandiganbayan ang mga kinakaharap na kasong graft at falsification of public documents na inihain ng Ombudsman laban sa dating alkalde.
Hinaharap ni Binay ang 2 counts ng kasong graft at 6 counts naman ng kasong falsification of public documents na nag-ugat sa umano’y overpriced na Makati City Hall Building II sa ilalim ng termino ng amang si Vice President Jejomar Binay na noo’y mayor ng syudad.
Kasama ang abogadong si Atty. Claro Certeza, naghain ang nakababatang Binay ng kabuuang P204,000 na piyansa, P30,000 para sa bawat graft case at P24,000 para sa bawat falsification case.
Una rito, napunta sa 3rd Division ng Sandiganbayan ang kaso ni Binay matapos itong mai-raffle kaninang umaga.
Ang Third Division ay pinangungunahan ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.
Bukod kay Binay, kabilang sa mga kinasuhan din sina City Administrator Marjorie de Veyra, Bids and awards Committee Vice Chairperson and General Services Department Office in Charge Gerardo San Gabriel, City Legal Officer Pio Kenneth Dasal at Makati Budget Officer Lorenza Amores.
Umaasa naman ang dating alkalde ng patas na pagdinig sa kanyang mga kaso sa Sandiganbayan.
Details from Jill Resontoc (Patrol 7)