Ngayong unti-unti nang humuhupa ang bakbakang nagaganap sa pagitan ng militar at maute terrorist group sa Butig, Lanao del Sur, inaasahan naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magkakanya-kanya nang puslitan ang mga nalalabing kalaban.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, tiyak na maghihiwa-hiwalay na ang mga teorista lalo’t unti-unti nang nararamdaman ang kawalan ng resistance ng kanilang grupo.
Sinabi pa ni Detoyato na garantisadong mag-i- spread out ang kanilang mga target at hindi malayong humalo na rin ito sa matataong lugar.
Ito’y sa kadahilanang mabundok at magubat ang bayan ng butig kaya walang paraan ang mga miyembro ng maute group para makakuha ng pagkain.
Kaya ang opsyon ng mga ito, bumaba ng bundok at humalo sa mga tao para malamnan ang sikmura at huwag mamatay sa gutom kundi man sa giyera.
Samantala, pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang pagdaragdag ng mga tauhan sa Butig, Lanao del Sur kung nasaan ang operasyon ng militar laban sa teoristang grupo na Maute group.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, layon nito na lalo pang matiyak ang seguridad ng mga residenteng naninirahan sa nabanggit na lugar.
Kasabay nito, tiniyak ni Marquez na magdadagdag sila ng mga checkpoints at magde-deploy din sila ng blocking force sa mga kalsada na papasok at palabas ng Lanao del Sur.
Noong Sabado, itinaas ng PNP Region 10 ang full alert status para hindi mag-spill over sa Lanao del Norte ang karahasan sa Lanao del Sur.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal