Maaaring magdulot ng temporary paralysis ang zika virus.
Ito ang lumitaw sa pag-aaral ng mga dalubhasa na isinagawa sa pamamagitan ng blood samples mula sa 44 na pasyente na dinapuan ng naturang sakit.
Ayon kay Professor Arnaud Fontanet, nagkaroon ng neurological problems ang mga pasyente 6 na araw matapos tamaan ng zika infection.
Ang zika ay isang sakit na dulot ng zika virus na hatid ng isang uri ng lamok kung saan kabilang sa mga sintomas ay lagnat, rashes, pananakit ng kasukasuan, at pamumula ng mata na parang sore eyes.
Matatandaang idineklara na ng World Health Organization o WHO ang zika virus bilang public health emergency nitong buwan ng Pebrero.
Vs. Zika virus
Samantala, kumilos na ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan upang maprotektahan ang mga mamamayan nito laban sa zika virus.
Ito’y matapos itong magpasa ng resolusyon na nag-iimbita sa mga opisyal ng Department of Health at Provincial Health Office na dumalo sa regular session sa Marso 14 kung saan tatalakayin ang tungkol zika.
Kabilang sa mga inanyayahang dumalo sa sesyon para magbigay ng update ukol sa zika virus sina Dr. Myrna Cabotaje, Dr. Rosie Pamintuan ng DOH Region 1 at Dr. Anna de Guzman ng Provincial Health Office.
Una nang inihayag ni de Guzman na nananatili pa ring zika-free ang Pilipinas.
By Jelbert Perdez