Kinumpirma ng Commission on Elections (COMELEC) na na-move ang deadline ng application para sa local absentee voting.
Sa susunod na Lunes na sana, March 7 ang deadline ng pag-apply sa local absentee voting, pero sinabi ni Commissioner Rowena Guanzon na pinalawig at inilipat na ito hanggang sa ika-31 ng Marso alinsunod sa desisyon ng COMELEC en banc.
Sakop ng local absentee voting ang mga botanteng Pinoy na hindi makasasabay sa mismong eleksyon dahil may tungkulin silang gagampanan sa Mayo 9.
Kasama na rito ayon kay Guanzon ang mga opisyal at kawani ng gobyerno, mga pulis at miyembro ng hukbong Sandatahan ng Pilipinas.
Pasok rin sa local absentee voting ang mga guro na may election duties sa eleksyon at ang mga nasa industriya ng media.
Para sa mga empleyado ng gobyerno, kausapin lamang anila ang head ng kanilang opisina hinggil dito.
At para naman sa mga miyembro ng midya maaaring magtungo lamang sa regional election director, provincial election supervisor at city election officer ng iyong nasasakupan.
By Allan Francisco