Sumampa na sa halos 50 ang bilang ng mga naospital dahil sa ammonia gas leak sa isang ice factory sa Carmona, Cavite.
Kinumpirma ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Rommel Peneyra na may iba pang nakaranas ng pagkahilo sa paligid ng planta kaya’t minabuti ng mga otoridad na patingnan ang mga ito sa pagamutan.
Samantala, nagpapatuloy ang pagkukumpuni sa condenser ng ice plant ng golden mile business park.
Kasalukuyan pa ring inaalam kung sino ang nagkaroon ng kapabayaan sa insidente.
Kaugnay nito, pansamantalang sinuspinde din ang trabaho sa isang ice factory sa Carmona, Cavite.
Ito’y kasunod na rin ng nangyaring ammonia gas leak sa Golden Mile Industrial Complex sa Barangay Maduya.
Ayon kay Carmona Bureau of Fire Protection Fire Marshall Sr. Insp. Rosalinda Tocmo Sta. Ana, inabisuhan ang mga plant at industrial workers doon na huwag munang pumasok dahil sa ammonia leak.
Nabatid na nagsuspinde na rin ng kanilang operasyon ang ilang pabrika tulad ng Hamlin dahil sa pangambang mapunta ang ammonia gas sa kanilang exhaust system.
By Meann Tanbio