Posibleng mga supporters di umano ng ISIS ang nasa likod ng tangkang pagpatay sa dalawang Muslim scholars sa Zamboanga City.
Isa ito sa tinitignang anggulo ng binuong special investigation task group ng PNP at AFP para sa agarang pagresolba sa kasong pamamaril kina Dr. A’id Al-Qarni at Sheikh Turki Assaegh.
Sinasabing si Dr. Qarni ay kasama sa assasination list ng ISIS o Islamic State.
Si Dr. Qarni ay kilalang international muslic lecturer at cleric na inimbitahan ng Zamboanga Peninsula Ulama Council para sa Islamic Symposium na dinaluhan ng libu-libong Muslim mula sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Ang dalawang Muslim scholars ay nasa stable condition na ngayon sa isang ospital dito sa Metro Manila kung saan sila dinala matapos agad na ipasundo ng eroplano ng Saudi Embassy.
Nasugatan ang dalawang Muslim clerics matapos pagbabarilin ang kanilang sasakyan.
Isa sa mga suspects ang napatay ng security escorts ng clerics samantalang arestado ang dalawang iba pa.
DFA
Nababahala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa ginawang pananambang sa 2 Muslim scholars sa Zamboanga City.
Iginiit ng DFA na mahigpit na kinokondena ng Pilipinas ang lahat ng uri ng karahasan lalo na sa mga eskwelahan.
Ipagdarasal anila nila ang mabilis na pagrekober ng mga biktimang sina Dr. A’id Al-Qarni at ang Saudi Embassy Religious Attache na si Sheikh Turki Assaegh.
Tiniyak din ng DFA na patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon at nagtitiwala sa mga awtoridad sa Zamboanga City sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyaring ambush.
By Len Aguirre | Meann Tanbio | Allan Francisco