Nagbabala ang Department of Foreign Affairs o DFA na posibleng maideklarang international outlaw o lumalabag sa batas ang China sakaling balewalain nito ang magiging hatol ng arbitral tribunal.
Ito’y may kaugnayan sa reklamo ng Pilipinas bunsod ng lumalawak na claims ng mga Tsino sa West Philippine Sea.
Ayon kay DFA Spokesman at Assistant Secretary Charles Jose, suportado kasi ng international community ang mapayapang paraan ng bansa upang maresolba ang alitan kung saan maaaring ilabas na ng tribunal ang hatol nito sa Abril o kaya’y sa Mayo, taong kasalukuyan.
Una nang nanindigan ang China na hindi ito tatalima sa desisyon ng tribunal kahit miyembro ito ng United Nations Security Council.
Nilinaw naman ni Jose na hindi maparurusahan ng UN ang China, pero posible umanong magkaroon ng bahid ang imahe nito bilang isang respetado at pretihiyosong bansa.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco