Nasa P6.7 bilyong piso ang ginastos ng mga kandidato bago pa nagsimula ang campaign period nitong Pebrero.
Base ito sa datos ng Nielsen Media na kinumisyon ng Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ.
Mula Enero ng 2015 hanggang Enero ng taong kasalukuyan, umabot na mahigit P4.7 billion pesos ang nagastos ng mga tumatakbong presidente at bise presidente para sa kanilang pre-campaign ads, halos P2 bilyon sa mga tumatakbong senador at mahigit sa P228 milyong piso sa mga partylist representatives at local candidates.
Siyamnapung (90) porsyento ng campaign ads ay lumabas sa telebisyon lalo na sa oras ng mga teleserye at sa mga sikat na talk shows sa mga radyo samantalang ang halos 10 porsyento ay sa mga pahayagan.
Ayon kay Commissioner Christian Robert Lim ng Campaign Finance Office ng COMELEC, dapat ring maging maingat ang mga kandidato sa kanilang pre-campaign ads lalo na kung bubusisiin ang nagpondo sa kanilang mga patalastas sa media dahil pwede silang makasuhan ng indirect bribery.
LP
Pinakamalaking ginastos sa kanilang pre-campaign ads ang Liberal Party o LP.
Batay ito sa datos ng Nielsen Media na kinumisyon ng Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ.
Mula Enero ng 2015 hanggang Enero ng taong kasalukuyan, gumastos ang Liberal Party ng 1.3 billion pesos sa kanilang pre-campaign ads.
Pumangalawa ang UNA o United Nationalist Alliance na gumastos na ng mahigit sa 1.1 billion, ang Galing at Puso ay mahigit sa 1 bilyong piso samantalang mahigit na sa P700 milyong piso ang ginastos na ng PDP Laban at Nacionalista Party.
Si Senador Bongbong Marcos ng Nacionalista Party ay gumastos na ng mahigit sa P252 milyong piso samantalang mahigit naman sa 8 milyon si Senador Antonio Trillanes.
Samantala, nakapagtala rin ng hiwalay na halos 9 na milyong pisong gastos ang Nielsen Media para sa mga negatibo at mapanirang ads kontra kay Vice President Jejomar Binay.
By Len Aguirre