Patay sa heat stroke ang isang babaeng police trainee, ilang araw bago ang kanyang graduation sa Camp Vicente Lim sa Laguna sa araw ng Lunes, March 14.
Ayon kay CALABARZON Police Medico-Legal Officer Supt. Roy Camarillo, nasawi si Vanessa Teñoso, 28-taong gulang dahil sa “sudden cardiac arrest secondary to heat stroke.”
Nangyari ito, ilang minuto lamang matapos ang flag raising ceremony sa loob ng CALABARZON Police Regional Office sa Calamba City.
Si Teñoso ay sumasailalim sa Public Safety Basic Recruit Course (PSBRC) bilang bahagi ng kanyang aplikasyon sa elite force unit, ang Special Action Force (SAF).
Kaugnay nito, sinabi ni SAF Training Branch Head Supt. Cyril Jasmin na obligado ang mga trainee na sumailalim sa anim na buwang PSBRC training bago sila ma-qualify sa SAF commando training.
Nag-donate na ang National Police Training Institute o NPTI ng P80,000 sa pamilya Teñoso para sa autopsy, casket at burial services.
By Meann Tanbio