Ikinalugod ni dating senador at ngayo’y chairman ng Philippine Red Cross na si Richard Gordon ang naging pasya ng Korte Suprema sa pag-iisyu ng resibo sa mga botante.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Gordon na may kapabilidad naman ang mga vote counting machine na maglabas ng resibo, subalit nagtataka aniya siya kung bakit ayaw itong gawin ng COMELEC alinsunod sa Automated Election Law.
Binigyang-diin ni Gordon na mahalagang mai-activate ng COMELEC ang voter verification paper audit trail feature (VVPATF) upang magkaroon ng patunay ang mga botante na nabilang ng tama ang kanyang boto.
“Masarap ang manalo para sa tao dahil ang naproteksyunan diyan ay mga tao sapagkat 6 na taon na, 2 beses na tayong nag-eleksyon hindi pinapairal ng COMELEC ang batas na dapat pairalin para maproteksyunan ang boto, kaya ang nakakagalak ay 14-0 walang kaduda-duda, dahil malinaw sa SC na walang room for interpretation, gawin niyo yung dapat niyong gawin.” Ani Gordon.
Dagdag pa ni Gordon, kung humaba man ang oras ng botohan, hindi na dapat ito problemahin pa ng poll body dahil nagawa naman ito noong mano-mano pa ang halalan.
“Nung bata ako humahaba ang eleksyon, nagbibilangan ng hanggang alas-2:00, alas-3:00 ng madaling araw, ano ba ang pagkakaiba nito, kung matagal bumoto ang tinitignan nila, okay lang, ini-exaggerate nila ang situation.” Pahayag ni Gordon.
By Meann Tanbio | Karambola