Tinawag na palusot ng National Transformation Council ang argumento ng Commission on Elections (COMELEC) na makakabalam sa eleksyon ang direktiba ng Supreme Court (SC) na gumamit ng resibo ng mga boto sa eleksyon.
Ayon kay dating Biliran Congressman Glen Chong, Spokesman ng National Transformation Council, kayang ayusin ng COMELEC ang source code na naka-imbak ngayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) tulad ng ginawa nila noong masira ito noong nakaraang buwan.
Binigyang diin ni Chong na 5 taon nilang pinag-aralan ang paggamit ng resibo sa halalan kayat sigurado sila na kaya itong isagawa ng COMELEC at hindi ito makakabalam sa eleksyon.
“Kung walang reklamo doon, walang discrepancy sa resibo mo ihulog mo agad sa yellow ballot box, paglabas mo ng presinto nandun din sa pintuan yung 2 poll watchers plus the accredited citizens’ arm, so meron tayong 2 checkpoint, kung may problema ipa-panote mo sa watchers, pero yung position lang halimbawa sabihin mo Mayor hindi ito tama, Presidente hindi ito tama, so there alone makikita mo ang pattern kung may pandaya.” Ani Chong.
Ayon kay Chong, mahalagang mawala ang anumang pagdududa na mayroong dayaan sa halalan upang maiwasan ang pagyugyog sakaling ang mahalal ay isang minority president.
“Ang atin talaga is malinis, mapagkakatiwalaan yung halalan, ganito po kasi ang pangangamba namin, sa 5 kandidatong yan walang majority, walang klarong mayorya yung isa, so ang lalabas is minority president, assuming nanalo si Grace Poe, 25 percent of the vote, meron po kayong 75 porsyento na hindi bumoto sa kanya, kung halalan ay kaduda-duda, eh kung mag-rally yung 75, e di ang lalabas sa atin ay political instability.” Pahayag ni Chong.
By Len Aguirre | Ratsada Balita