Kumbinsido si dating Commission on Elections (COMELEC) Chairman Sixto Brillantes na puwede pang mabago ang desisyon ng Korte Suprema sa isyu ng pag-iisyu ng resibo sa halalan.
Sa kabila ito ng 14-0 na resulta ng botohan sa Supreme Court pabor sa petisyon na dapat paganahin ang kakayahan ng mga vote counting machines (VCMs) na mag-isyu ng vote receipt.
Pinuna ni Brillantes na tila mas naging emosyonal ang Supreme Court dahil sa hindi agad pagsusumite ng COMELEC ng sagot sa petisyon sa halip na pag-aralan kung ano ang magiging epekto ng pag-iisyu ng vote receipt sa eleksyon.
Naging iba rin anya ang interpretasyon ng Supreme Court sa probisyon ng batas na dapat ay mayroong voter verifiable paper trail ang eleksyon.
Ang balota na mismo anya ang maituturing na voter verifiable paper trail dahil dumadaan naman ito sa random manual audit.
“Para bang nagtatampo pa ang Supreme Court na di naman kasi kayo nag-comment eh, binabalewala niyo ang order namin na 5-day non-extendable, para bang doon nag-concentrate, meron pa silang sina-sight doon na meron daw kasong Maliksi, na kung nagkaroon ng resibo hindi sana nangyari yan, sabi ko hindi alam na alam ko ang kaso nung Maliksi eh, wala namang koneksyon ang resibo doon, ang pinakamalaking tingin kong hindi tama is yung sinasabi nila na mandatory o required talaga ang resibo, kung required yan dapat nung 2010 pa sinabi na nila yun, meron nang desisyon yun nung 2010 eh.” Ani Brillantes.
Kasabay nito ay binatikos ni Brillantes ang joint congressional oversight committee (JCOC) na pinamumunuan ni Senador Koko Pimentel.
Hindi anya ginawa ng komite ang trabaho nila na i-review ang automated election noong 2010 at 2013 upang malaman sana kung talagang kinakailangan ang pagpapalabas ng resibo ng mga VCMs.
“Tanong ko anong ginagawa nila na nakalagay doon sa batas? It is that after one election within one year merong mandatory review of the provisions of the automation law which means noong 2010 May hanggang May 2011, dapat nag-convene yung JCOC, tinignan nila kung anong naging problema sa eleksyon noong 2010, walang nangyari, noong 2013 natapos naman ang eleksyon, nag-convene ba ang JCOC? Meron ba silang ini-rekomendasyon? Wala.” Pahayag ni Brillantes.
By Len Aguirre | Ratsada Balita