Ibinabala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mas mataas na temperatura sa mga susunod na araw lalo na kapag pumasok na ang summer sa gitna na rin ng patuloy na epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon sa PAGASA, posibleng pumalo sa hanggang 40 degrees celsius ang init factor o ang aktuwal na temperaturang nararamdaman ng mga tao.
Dahil dito, pinag-iingat ng PAGASA ang publiko sa heat stroke na ilan sa mga sintomas ay mataas na body temperature ng hindi nagpapawis, mabilis na tibok ng puso at pamamanhid ng muscles.
Pumapalo sa 38.6 degrees celsius ang pinakamataas na temperaturang nai-record sa taong ito at ito ay naramdaman sa General Santos City nitong nakalipas na March 1.
Water supply
Muling tiniyak ng National Water Resources Board o NWRB na sapat ang supply ng tubig sa Metro Manila.
Ito’y sa kabila ng babala ng PAGASA na titindi pa ang mainit na panahon, simula sa susunod na linggo.
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., nasa 203 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam kahapon kumpara sa 200 meters sa kaparehong panahon noong isang taon.
Matutugunan anya ang pangangailangan ng tubig ng Metro Manila sa tag-init kahit tumindi pa ito dulot ng El Niño phenomenon.
By Judith Larino | Drew Nacino