Tiniyak ng Manila Water na may approval ng Manila Water Sewerage System o MWSS ang kanilang ipatutupad na dagdag singil simula Abril.
Ayon kay Jeric Sevilla, Spokesman ng Manila Water, sadyang nirerebisa nila ang palitan ng piso at dolyar o foreign currency differential adjustment rate kada quarter ng taon.
Nilinaw ni Sevilla na alinsunod naman sa mga polisya ng MWSS ang kanilang dagdag singil na hindi basta ipinatutupad nang walang basbas ng naturang water regulatory board.
“Ito po ay bahagi ng tinatawag na contractual obligation, ibig sabihin talagang every quarter atin pong nirerebisa ang palitan ng piso at dolyar, kung sakali naman na sa susunod na quarter ay lalakas ang piso, malaki ang posibilidad na by the next quarter ay magbaba naman po ang taripa.” Pahayag ni Sevilla.
Effective next month
Magpapatupad ng dagdag singil sa tubig ang Maynilad Water Services Incorporated at Manila Water Company simula sa Abril 1.
Mararamdaman sa susunod na buwan ng West Zone customers ng Maynilad ang dagdag na singil sa FCDA o foreign currency differential adjustment rate na P0.12 kada cubic meter, simula Abril hanggang Hunyo o mataas ng P0.05 kada cubic sa kasalukuyan nilang singil.
Nangangahulugan ito na magbabayad ang Maynilad customers ng dagdag P0.15 sa kabuuang water bill para sa mga kumokunsumo ng 10 cubic meters kada buwan.
Limampu’t pitong sentimo (P0.57) para sa gumagamit ng 20 cubic meters at P1.17 para sa may kunsumo ng 30 cubic meters.
Samantala, P0.11 naman kada cubic meter ang sisingilin ng Manila Water na FCDA rate.
Dahil dito, asahan na ng East Zone customers ang dagdag P0.59 sa kanilang bill sa mga kumukunsumo ng 10 cubic meters kada buwan, P1.32 para sa 20 cubic meters at P2.69 para sa 30 cubic meters.
By Drew Nacino | Ratsada Balita