Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila bibigyan ng puwang sa organisasyon ng PNP ang mga mapang-abusong pulis.
Tinukoy ni Chief Supt. Wilben Mayor, Spokesman ng PNP ang nag-viral na video ng isang pulis na nanampal ng isang motorista.
Ayon kay Mayor, ipasusuri nila ang video sa PNP-Anti Cyber Crime Group upang maimbestigahan.
“Ang isang pulis ay hindi dapat gumawa ng ganyan, ang policy namin palagi is that ang isang pulis na gumagawa ng labag sa batas ay walang puwang dapat sa organisasyon namin, kaya kung nagkataong siya ay pulis then definitely kailangan makasuhan siya at dapat ang mga ganung pulis ay matanggal sa serbisyo.” Pahayag ni Mayor.
Viral video
Viral sa social media ang video ng pananampal ng isang pulis sa motorcycle rider sa bahagi ng lungsod ng Maynila.
Lulan ng kulay puting Mitsubishi Adventure na may plakang UEQ 399 ang pulis na naka-uniporme ng polo shirt na blue nang maka-alitan ang rider sa kanto ng TM Kalaw Avenue at Roxas Boulevard.
Mag-isa lamang ang lalaking naka-motorsiklo na mag-dedeliver ng ilang plastic bag nang pagsasampalin ng hindi pa nakikilalang pulis.
Gayunman, hindi pa malinaw kung ano ang naging traffic violation ng rider.
Mayroon ng 360,000 views ang 40-segundong video na may pamagat na “simply unacceptable” na ipinost ng Top Gear Philippines.
By Drew Nacino | Len Aguirre | Ratsada Balita