Tututukan ng senado ang anggulo ng sabwatan o grand conspiracy sa pagpasok sa bansa ng 81 milyong dolyar na ninakaw sa pamamagitan ng pag-hack sa Central Bank of Bangladesh account sa Federal Reserves of New York.
Ayon kay Senador Ralph Recto, maraming dapat sagutin si Maia Santos-Deguito, Branch Manager ng RCBC Jupiter Makati Branch dahil kumbinsido ang mga senador na hindi lamang siya ang nakakaalam ng transaksyon.
“Unang-una ang tingin ko parang may malaking sindikato yan, may grand conspiracy one way or the other, unang-una yung mga account na yan binuksan a year before tapos may biglang pumasok na 81 million dollars tapos napunta lahat sa Philrem, tapos sa Philrem naman bumalik sa RCBC, napalitan, 29 million of which ended up in casinos and the others, hindi pa maliwanag ang corporation and cash.” Ani Recto.
Naging malinaw rin aniya sa unang pagdinig ng Senado na halos lahat ng mga inimbitahan nila sa hearing ng senado ay kakilala si Kim Wong, isa sa anim na negosyanteng isinasangkot sa pag-launder ng 81 million dollars na nakaw na pera.
Nais ring malaman ni Recto kung may koneksyon ang bangko sa mga hackers o kung alam nilang may papasok na ganoong kalaking pera na magmumula sa Bangladesh account.
Kasabay nito, nagpahayag ng pagtataka si Recto kung bakit napakabilis ng Anti-Money Laundering Council o AMLC sa pagsasampa ng kaso laban kay Deguito lamang.
“Hindi niya masabi in open session dahil kinasuhan siya kaagad ng AMLA, ako nga nagtataka ako kung bakit kinasuhan agad-agad eh na dapat hinintay muna kahit one week lang in the senate.” Pahayag ni Recto.
By Len Aguirre | Karambola