Nagpalabas na ng may 1000 special permits ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ito’y para makabiyahe ang libu-libong mga bakasyunista patungo sa kani-kanilang mga lalawigan sa darating na Semana Santa sa susunod na linggo.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton, karamihan sa mga biyaheng binigyan ng special permits ay iyong mga patungong Hilagang Luzon gayundin sa Bicol Region.
Gayunman, nilinaw ni Inton na hanggang sa huling bahagi lamang ng buwang ito tatagal ang bisa ng nasabing special permits.
Security force
Tiniyak ng National Capital Region Police Office o NCRPO na sapat ang kanilang puwersa para magbigay seguridad sa papalapit na Semana Santa.
Ayon kay NCRPO Director C/Supt. Joel Pagdilao, dahil naka-full alert na ang kanilang status, maipakakalat na nila ang kanilang buong puwersa dahil sa ipinagbabawal ang pagbabakasyon sa kanilang hanay.
Dahil dito, sinabi ni Pagdilao na walang pangangailangan para sa kanila na humugot ng karagdagang puwersa mula sa mga kalapit na rehiyon.
Kasalukuyan na aniyang nakakalat ang kanilang mga tauhan sa mga matataong lugar partikular sa mga pantalan, paliparan, terminal ng bus, shopping malls at mga simbahan.
By Jaymark Dagala