Kinumpirma ng Estados Unidos na may napagkasunduan nang limang military bases sa Pilipinas kung saan idadaos ang mga susunod na Balikatan excercises at kung saan pansamantalang tutuloy ang kanilang mga sundalo habang nandito sa bansa.
Ayon kay US Deputy Assistant Secretary of Defense Amy Searight, kabilang sa mga napag-kasunduang base militar na ipapagamit sa kanilang pwersa ay ang Antonio Bautista Air Base, Basa Air Base, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Mindanao at Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu.
Ayon pa kay Searight, darating sa bansa sa susunod na buwan si US Defense Secretary Ash Carter para isapinal ang ilang mga detalye sa nasabing kasunduan.
Nilinaw naman ng Amerika na ang pagpili sa mga military bases sa bansa ay bahagi ng mga kasunduang nakapaloob sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
By Jonathan Andal